Saturday, January 10, 2009

nag salita ang watawat

Mabilis na inakyat ng itinaas na watawat
Ang dulo ng tagdan ng kanyang kasarinlan.
At sa gitna ng pagbubunyi
Nagsalita ito at kinausap ang lahat:

Mula rito, nakikita ko ang dikit-
dikit na gulong na dumidiin
sa bubungan ng mga pasakit
nilang sa estero ay nagpapaypay
ng himutok sa bituka ng mga dampang tirik.

Sila yaong ginigising ng impit na sigaw
ng kalam sa gitna ng kawalan
ng tinig
bagaman dinig
sa mga ungol nila ang panimdim,
ang minumumog na daing,
at nilalanggas na hilahil
na sa araw-araw ay balaraw
na itinitimo sa kanila ng mga limatik at sakim-
na kung bakit ang tumbong ay kailangan pang
himurin at sa kanila’y tiklop-tuhod na manalangin
bago pa ilaglag ang mumong-kanin.

Mula rito, umiiling ako sa piling
ng mga ihip ng panimdim
ng hanging naghahanap, sumusukat
sa hangganan ng mga pagtitimpi
sa kinakalkal na sugat sa dangal nilang nagpapagal -
akyat-manaog sa mga estribo, tutop
ang sikmura nguni’t taas-kamaong
nililinaw ang mga ano at bakit ng kanilang pag-aaklas.

(sila na tumindig at piniling manatili
sa kubol ng mga piketlayn, hindi man batid
kung bukas o mamaya lamang, bubuwagin
pipisakin
ng mga upahang kampon ng demonyong kapitalista)

Mula rito, nakikita ko
at naririnig ang tunay na awit
ang di matapos-tapos na hibik...

At umusal ang watawat:

baligtarin ang lahat.

No comments: