Saturday, January 10, 2009

nag salita ang watawat

Mabilis na inakyat ng itinaas na watawat
Ang dulo ng tagdan ng kanyang kasarinlan.
At sa gitna ng pagbubunyi
Nagsalita ito at kinausap ang lahat:

Mula rito, nakikita ko ang dikit-
dikit na gulong na dumidiin
sa bubungan ng mga pasakit
nilang sa estero ay nagpapaypay
ng himutok sa bituka ng mga dampang tirik.

Sila yaong ginigising ng impit na sigaw
ng kalam sa gitna ng kawalan
ng tinig
bagaman dinig
sa mga ungol nila ang panimdim,
ang minumumog na daing,
at nilalanggas na hilahil
na sa araw-araw ay balaraw
na itinitimo sa kanila ng mga limatik at sakim-
na kung bakit ang tumbong ay kailangan pang
himurin at sa kanila’y tiklop-tuhod na manalangin
bago pa ilaglag ang mumong-kanin.

Mula rito, umiiling ako sa piling
ng mga ihip ng panimdim
ng hanging naghahanap, sumusukat
sa hangganan ng mga pagtitimpi
sa kinakalkal na sugat sa dangal nilang nagpapagal -
akyat-manaog sa mga estribo, tutop
ang sikmura nguni’t taas-kamaong
nililinaw ang mga ano at bakit ng kanilang pag-aaklas.

(sila na tumindig at piniling manatili
sa kubol ng mga piketlayn, hindi man batid
kung bukas o mamaya lamang, bubuwagin
pipisakin
ng mga upahang kampon ng demonyong kapitalista)

Mula rito, nakikita ko
at naririnig ang tunay na awit
ang di matapos-tapos na hibik...

At umusal ang watawat:

baligtarin ang lahat.

dito sa baybayin

Sa tuwing pinagmamasdan ang araw
na unti-unting itinatago ng dagat,
nalilimutan ko ang lahat.

Sa mata ko, sandakot lang
na buhangin ang disyerto;
nilalaro sa bukas-kuyom na palad
ng aking bunso.

Musika sa pandinig ang musmos
niyang hagikgik, habang pinatutulay
sa hawak na tingting ang mga langgam;

Tinatangka niyang iligtas
ang kolonya ng insektong iyon;
dinadala sa ligtas na lugar
ago pa sila anurin ng dagat

At sa inosente niyang tawa
tila ba malinaw sa kanya
kung ano ang pamilya:

Ligtas, panatag, magkakasama.

Mamaya lang
kapag napagod na,
magpapakarga siya…
magpapahele.

Gaya ng ginagawa sa kanya
ng nalunod niyang ina.

Dito,
hinuhugasan ng alon ang dalampasigan

Binubura,
kahit pansamantala lang,ang hapdi ng paglisan.

pagdadalaga

Pabagsak na bumaon ang ngalay na puwit
sa upuan ng pedicab, nangangarapnaghahanap
ang kinse anyos niyang braso
ng kipkip na libro, o notebook
na may mukha ng mga idolong artista
Sana ang pagdadalaga’y kasing-saya
ng mga naka-unipormeng dalagita
na nasa kabilang-gilid ng kalsada -- binibilog
ang usok ng kabataan sa gitna ng tawanan.
Nguni’t
kasing-ilap ng natitisod na bato
ang tinatahing pangarap – lumalayo
Habang lumalapit ang paa niya, kasama
ng maraming kinse-anyos
sa entrada ng pinapasukang pabrika.
Sa bawa’t lapat ng pintuang bakal,
may katahimikan,
kahungkagang sumasampal…
Realidad. Mundong hindi magkakatulad.
Sa loob, ay amoy ng nasusunog na langis
ng mga makina at retasong
inaabangan ng karayom at kamay.
Dito niya idudugtong at tatahiin ang buhay.
Bubuuin tulad ng mga retasong ginagawang basahan.
Limandaang bilog
na basahan ang tatapusin
bago pa maluwag na makahinga
bago pa magawang kapainalisin…
ang mga hibla ng sinulid na kumakapit sa buhok niya.

maulang hapon

Tila
scalpel
na humihiwa
sa bubungan
ang patak ng ulan
Nilaro muna sa dila bago
ko sinipsip ang paborito kong
ice cream. May pulang cherry
sa tuktok, hugis taob na tasa ng kape
ang ice cream na kasing-tamis ng nasa
operating table na pasyente—nakatitig sa kisame

mga dahon

habang nakaupo,
binabakas ko sa damuhan --
na minsan nating inupuan,
ang mga pangako ng pag-ibig
na walang hanggan.
sa aking pag-iisa
patuloy kong naaalala
ang nakasahod mong kamay
sa mga dahon,
napaisa-isang
nalalaglag
.
.
.
tulad ng mga pangako mong walang-tatag.

Wednesday, January 7, 2009

sa mata ng mga dakila

sa mata ng mga dakila iilan ang pinagpala
sila na mga dukha hikahos at walang sala
binalot ng kolorete sa muka, gintong borloloy at bahay na bato
mistulang bathala napaka hiwaga
sila na sa usok humihinga sa kahon humihihiga
sa bangketa umaasa ng kunti ninyong barya.
sila na mga pinagpala sa mata ng diyos walang sala
sila na mga dukha sa mata ng mga pinagpala sila ay may sala
kasalanan ba ang estado sa buhay?
ito ba ay kapalaran? kapalaran na nasa guhit ng palad.
kalagayan na sinadya saatin gawin, kalagayan na dapat baguhi.
sadya nga bang bulag ang mundo at hanngal ang diyos
dahil ilan lang ang pinag pala.
hindi lahat ng pinagpala sa mundo sa masaya
at hindi lahat ng dukha ay pinagkaitan.

sa mata lang ng iilan nag kakaalaman.
sa mata ng mapanuring lipunan sila ay nagiging ganyan
sa pananaw lang ng iilang edukador ,elitista, at moralista
nababago ang depinisyon ng pinagpala.
kahit ang simbahan at estado parehas na salat na maituturing.
maging lahat ng lalang sa mundo.